Rubella o German Measles: Sanhi, sintomas at gamot
Ano nga ba ang sintomas at gamot sa tigdas hangin? Ang German measles o tigdas hangin kung tawagin ay isang nakakahawang virus. Ito ay nagdudulot ng rashes pati na rin ng lagnat.
Ang German measles ay iba sa measles. Ang karaniwang tinatamaan ng sakit na ito ay ang mga bata edad 3 hanggang 11.
Simple lamang ang paggamot dito. Ang mga sintomas ng rubella, tulad ng rashes at lagnat ay karaniwang nawawala matapos ang tatlong araw. Pero siguraduhin lamang na painumin ang bata ng maraming tubig. Labis na pagpapahinga din ang dapat pati na rin ang gamot na aprubado ng doctor para sa lagnat. Bukod sa gamot sa tigdas hangin, mahalaga rin na kumpleto ang bakuna mo kontra rito.
Para sigurado, dalhin sa doktor ang iyong anak para makasiguro na hindi ito measles o scarlet fever sapagkat magkamukha ang mga sintomas nito. Mas mabuti na ring sabihan niyo ang doktor kasi baka meron palang kumakalat na impeksiyon sa inyong lugar, nang maagapan nila ito.
Tandaan: Labis na nakakahawa ang rubella kaya siguraduhing huwag na palabasin ng bahay o papasukin sa eskwela ang iyong anak para iwasang makahawa ng ibang bata.
Hindi naman dapat ikabahala ang tigdas hangin sa baby. Dahil maliban sa rashes at mababang lagnat, wala namang iba pang malubhang sintomas na naidudulot ang sakit na ito.
Pero kapag dumapo ang tigdas hangin sa baby na nasa sinapupunan pa lamang, maaring ipanganak ito na may congenital rubella syndrome (CRS). Sa katunuyan, kaya nga ginawa ang rubella vaccine ay para protektahan ang mga buntis laban sa impeksyong ito.
Kaya napaka-importante para sa nagdadalantao, or sa mga gustong magdalantao na magpabakuna laban sa rubella upang masiguro na protektado ang magiging baby nila.
Para sa mga sanggol na naipanganak na, wala naman dapat ikabahala kung tamaan man sila ng rubella.
Ang tigdas hangin sa matanda ay hindi rin dapat ipag-alala. Ito ay kailangan lamang ipahinga. Sa panahong mayroon ka nito, hindi ka dapat lumabas ng iyong bahay dahil nakakahawa ito. Para naman mas bumilis ang iyong pag galing, magpatingin agad sa doktor. Huwag mag-self medicate dahil maaring mas palalain nito ang iyong kalagayan.
Ang sintomas ng tigdas hangin sa matanda ay pananakit ng ulo na may kasamang lagnat. Nariyan din ang pagbabara ng ilong at pananakit ng kalamnan. Kung ikaw ay buntis, mahalaga na maagapan agad ito dahil maaring makasama ito sa iyong pagbubuntis.
Sa edad na 15 taong gulang pa lamang, ang mga bakuna para sa tigdas ay dapat na kumpleto na. Ito kasi ang magsisilbing proteksyon laban dito. Lalo na para sa mga taong exposed sa mga ospital o iyong mga nagtatrabaho doon. Importante rin ito para sa mga madalas na lumabas ng bansa. Pero ang pinaka-delikadong madapuan nito ay ang mga buntis.
Sa panahon ngayon, bihira na ang nagkakaroon ng rubella dahil nga sa meron nang bakuna laban dito. Ang bakuna ng rubella at karaniwang ibinibigay sa batang edad 12 hanggang 15 na buwan, at isa pa kapag nasa edad 4 at 6 taong gulang na ang bata.
Kaya’t siguraduhing mapabakunahan ang anak ninyo sa tamang panahon para lubusang maiwasan ang virus na ito. Kapag ikay’ buntis, kumunsulta sa iyong doktor tungkol sa nararapat na bakuna laban sa rubella para makasigurong walang komplikasyon ang iyong pinagbubuntis.
Source: Healthline